Sabi nila, mahirap hanapin ang taong mamahalin mo habang buhay. Merong iba, nag-hihintay ng matagal na panahon bago maranasang mag-mahal. Meron din naman, tulad ko na susubok ng susubok hangang sa makita ang tunay na katapat.
Sa totoo lang ang dami kong naging boyfriend at maraming sakit at pagkakamali and nadanas ko bago ko makita ang asawa ko. Well, kung tutuusin nakita ko na pala siya noon pa, pero panahon lang ang nagbigay daan para marealize namin na kami pala talaga para sa isa’t isa.
Pero kung meron mang magandang fairy tale na nasusulat at pinapangarap ng nakararami sa atin, meron din akong alam na kwento ng pag-ibig na masasabi kong tunay at wagas.
Hindi ko alam kung paano nagsimula ang lahat, pero sa pagkakaalam ko, nag-tanan sila. Pinag-laban ang kanilang pagmamahalan at nagpakasal ng hindi batid ng magulang ng babae. Nagsama sila ng matagal at nagkaroon ng tatlong anak na lalake.
Kung saan-saan sila dinala ng panahon, marami naring pag-subok ang pinagdaanan hangang sa tumanda na sila at mag-kaapo, magkasama parin sila, magkatuwang.
Hangang sa nagkasakit ang lalaking asawa. Malubha. Pero di parin natinag ang babae. Inalagaan nia ang asawa niya kahit na may panghihina na sila ng kalooban. Hindi man makita ang lambingan, makikita mo sa mga mata nila na nasasaktan ang bawat isa sa pag-hihirap ng asawang may sakit.
Lumipas ang mga araw at patuloy parin silang lumalaban. Ngunit ang sakit ay patuloy na pinahihirapan ang lalake. Hindi na siya makakain.
Isang araw, napanghinaan na siya ng tuluyan. Marahil naisip niya, ayaw na niyang pahirapan pa ang kanyang asawa’t anak. Kaya tinapos nia ang kanyang buhay.
Binaril nia ang kanyang sentido.
Nabigla ang babaeng asawa sa nangyari. Hindi nia matangap ang nangyaring iyon. Lubha siyang nasaktan, nagulat at nangulila sa pagkamatay ng pinakamamahal niya. Isang araw na ang lumipas matapos iburol ang asawa, hindi na kinaya ng katawan at isip ng babae.
Na-comatose siya.
Hangang sa hindi na kinaya ng kanyang puso. Kinabukasan, namatay narin siya.
Ang pag-ibig nila ay di napag-hiwalay ng kamatayan. Gaano man kasakit ang pangyayari, tinangap namin ang kamatayan ng aking byenan. Ang asawa ko at ang mga kapatid niya, nagpapakatatag.
Hindi man ganoon kaganda ang kinahantungan ng kamatayan nila, isang bagay lang ang itinuro nito sa aming lahat…
Ang pag-ibig nila ay di kailanman masisira ng kahit anong pag-subok, kahit kamatayan.
Tinupad nila ang pangako nila nung sila’y ikasal, hinigitan pa nila. Nabuhay sila sa hirap at ginhawa at namatay ng magkasama.
Sa ama at ina,
Maraming salamat sa pagiging mabuting magulang niyo sa inyong mga anak. Salamat sa pagbibigay buhay niyo kay Gerald, I have my whole life to thank you, for giving me Gerald. Salamat sa pag-tangap niyo sa akin, sa pag-aalaga at pag-mamahal. Itinuring niyo akong anak, at inalagaan sa panahong wala ang mga magulang ko para suportahan ako. Salamat, dahil naging mabuti kayong lolo at lola sa anak naming si Joaqui. Salamat sa pag-aaruga sa kaniya sa panahong wala kami para alagaan siya, dahil kinailangan naming mag-hanap-buhay. Salamat sa pag-gabay at pag-supporta niyo sa’ming mag-asawa. Ang inyong magandang halimbawa ang aming inspirasyon para pagbutihan namin ang aming pagsasama.
Ang alaala niyo po ay laging mananatili sa amin. Ang pagmamahalan niyo ay tutularan namin. Tulad niyo, walang hirap ang titinag sa pag-mamahalan namin.
Bilang inyong manugang, ipinapangako ko na susuklian ko ang lahat ng kabutihan niyo sa akin. Mamahalin ko si Gerald ng buong puso at panghabangbuhay. Aalagaan at mamahalin ko ang anak namin, at palalakihing isang mabuti at marangal na tao. At sa mga kapatid ni Gerald, magtutulungan kami nila kuya Gilbert para maging mabuti at maayos ang buhay ng bunso niyong si Gerwin. Papangaralan namin siya para malayo sa bisyo at kalokohan.
Sabi nga ni kakang Glory, ako na ngayon ang ina. Mahirap, pero malugod kong tatangapin ang responsibilidad na iniwan niyo sa akin. Mamahalin ko ang inyong pamilya at aalagaan katulad nag pagmamahal na binigay niyo sa akin.
Muli po, nagpapasalamat ako sa pagtangap niyo sa akin sa inyong pamilya. Mahal na mahal ko po kayo. Maswerte ako at kayo ang mga naging biyenan ko.
Asahan niyo ang pagdarasal namin para sa inyo.
ang inyong manugang,
